Wednesday, March 01, 2006

Taning Ko


Taning Ko
Ni Ruben Taningco

Kapariwaraan ng mga tao

Ang naganap na pagguho sa Brgy. Guinsaugon, St. Bernard sa Southern Leyte kamakailan ay isang halimbawa ng kasakunaan o disaster na bunga ng kalupitan ng tao sa kanyang kapa-ligiran, na masasabing ang ugat ay ang mabilis na paglaki ng po-pulasyon o pagdami ng tao, na nalalakipan ng kawalan kawalan ng malasakit ng marami sa kanilang kapuwa.
Nabanggit ni NEDA Regional Executive Director Oskar D. Balbastro noong 1998 na "greatest disaster o pinakadakilang kasakunaan ang mabilis na paglaki ng populasyon" sapagka’t sa paglaki ng bilang ng mga mamamayan, ay mapipilitang hawanin ang mga kagubatan o putulin ang mga punong kahoy upang may mapagtayuan ng mga tahanan, ng mga paaralan, ng mga paggamutan at mga gusali para sa paghahatid ng mga paglilingkod na panglipunan, at para may mapagtaniman ng mapag-aanihan ng pagkain. Ito ay dakilang-kasakunaan sapagka’t ito ay isang tuwiran at tahasang pagsira sa kapaligiran.
Sinasabi sa Isaias 45:18 na ang tao ay walang karapatang sirain ang kapaligiran, sapagka’t kung gagawain natin ito ay ang Dios na lumalang ng lahat ng bagay ay mabibigyan ng kapighatian.
Hindi dapat na basta pinuputol ang mga punong kahoy, lalo na kung ito ay nasa mga gilid ng kabundukan. Sa Aklat ni Job (Job 14:18-19) ay napatalang kung sisirain natin ang ating kalikasan, ang mga bundok ay guguho, ang mga bato ay kasama ng tubig ay aagos na mag-aalis ng matabang bahagi ng balat ng lupa (fertile top soil), kaya ito ang siyang magdadala ng kabiguan sa ating pangarap na makapag-ani ng sagana sa bukid na ating sinasaka.
Ang malakas na pagbaha na kumitil ng maraming buhay sa isang dating flood plain sa Ormoc City sa Leyte may siang dekada na ang nakararaan; ang pagguho ng lupa sa Infanta-Real-General Nakar Area sa Quezon, at maging sa ilang bahagi ng mga Lalawigan ng Nueva Ecija at Aurora noong magtatapos ang Taong 2004, ay hindi maitatangging bunga ng pag-abuso ng tao sa kanilang kapaligiran, na ang pinaka-ugat ay ang pagpuputol ng mga punong kahoy, na wala namang ipinatutupad na seryosong palatuntunan para muling mataniman ang kalbong bahagi ng mga bundok at kaburulan sa bansa.
Sinasabi sa Banal na Kasulatan na "Walang mabuting maibubunga ang mgagandang plano o balakin, kung hindi naman ito isinasagawa."
Kami ang makakapagpatunay na kung naipatupad lamang ang Palatuntunan sa Pangangalaga ng Kagubatan na binalangkas noon Taong 1975 nina Natural Resources Secretary Jose Leido at Quezon Governor Anacleto Alcala, sa koordinasyon ni DPI-Region IV Director Ricardo V. Serrano, na pinapupunduhan naman ni Gng. Imelda R. Marcos, na salig sa pamamaraang sinusunod ng mga Israel, marahil ay hindi magiging matindi ang hagupit ng kalamidad sa Infanta Area noong Taong 2004.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home