Thursday, March 02, 2006

Sumakay ka pa


Sheryl Mallari-Asprec
Gising na mga nagtutulug-tulugan

Isa daw panggising sa pamahalaan at sa mga mamamayan ang nangyaring trahedya sa Ultra. Wake-up call sa wikang Ingles. Bilang itinakda ng tadhana, kailangang kapulutan ito ng aral at leksyon upang hindi na ito maulit.
Ipinakikita ng nasabing trahedya ang laganap na kahirapan sa buong bansa. Ipinapahayag din nito ang kawalan ng pag-asa ng karamihan upang makapamuhay ng disente. Sa hirap ng buhay ngayon, madami ang napipilitang kumapit sa patalim upang magkaroon lamang ng makakain.
Ngunit ilang beses na bang ginamit ang katagang wake-up call upang kahit paano ay maibsan ang sakit ng anumang trahedya? Ginagamit ito upang kahit paano ay matandaan natin at maiwasan ang mga katulad na pangyayari. Ang Ozone tragedy ay isang wake-up call, ang sakuna sa karagatan ay isa pa ding panggising. Ilang beses na ba itong sinabi ngunit nagising na nga ba tayo?
At hindi lamang sa mga pagkakataon na may malaking trahedya dapat tayo maging gising. Sinasabi na ang trahedya daw ay nagiging trahedya dahil sa laki at lawak ng pinsalang idinulot nito. Sa loob ng napakaiksing panahon, daan-daang tao ang naaapektuhan. Ngunit paano ang mga maliliit na trahedya na nagyayari sa araw-araw? Ang kawalan ng pagkain ng mga ilan sa ating mga kababayan? Ang pagkagumo sa ipinagbabawal na gamot ng ilan sa mga kabataan? Ang paglalaboy sa lansangan ng mga walang matirhan?
At isama pa din natin dito ang trahedyang katulad ng graft and corruption at iba pang katiwalian sa pamahalaan. Ang pag-papayaman ng ilang opisyal gamit ang buwis ng mga mamamayan, ang patuloy na paglobo ng utang panlabas, at ang patu-loy na pagbagsak ng ekonomiya.
Maaaring hindi natin direkta at agad na nararamdaman ang masamang idinudulot ng mga ito pero ito ay mga problemang dahan-dahang kumikitil sa ating bayan. Inihalintulad ito ni Dr. Jose P. Rizal bilang isang kanser na unti-unting sumasakal sa ating mga mamamayan.
Maling sabihing wake-up call na nga ang mga naging pangyayari. Kumbaga sa sakit, isa na itong epidemya. Sa mundong only the strongest survive, kawawa ang mga mahihirap na lalo pang naghihirap. Mahirap maging mahirap. Kung mayaman ka naman, karamihan sa kaisapan ng mga ito ay lalo pang magpayaman.
Ngunit kung hindi ito wake-up call, ano ang dapat itawag dito? Nakakatakot isipin kung anong trahedya ang maaaring dumating upang tayo ay lubusan nang magising.
-------ooOoo-------
"Marami ang matapang sa bilang, ngunit ang buo ang loob ay kulang."

0 Comments:

Post a Comment

<< Home