Saturday, March 04, 2006

The Southern Tagalog Herald Batangas -- February 26 - Mar. 4, 2006

Mr. & Ms. Daycare. Sina Mayor Danny Sombrano, Bokal Wheng Africa, day care worker coordinator Violeta Reyes, mga day care worker kasama ang mga kapitan na nagbigay pagkilala sa itinanghal na Mr. & Ms. Day Care 2005. Nasa larawan din ang Mr. & Ms. Day Care 2004.

Mr. & Ms. Daycare ng Mataas
na Kahoy, matagumpay
Magie B. Aguila

Mataas na kahoy, Batangas-Naging matagumpay ang idinaos na Little Mr. & Ms. Day Care 2005 dito na binigyang pagkilala ni Bokala Wheng Sombrano-Africa. Ang programa ay bahagi ng fund raising program ng mga day care workers sa pangunguna ng pangulo nilang si Lilian E. Caringal at coordinator Violeta Reyes. Kaugnay nito ay buong pasasalamat ang ipinaaabot ng mga day care workers sa ipinakitang suporta ng mga magulang at mga kapitan. Ang pagsulong anila ng Mataasnakahoy ay dahil na rin sa magandang pamumuno ni Mayor Danilo M. Sombrano.





News Media summit. Philip Morris Philippines Manufacturing Inc. (PMPMI) Managing Director Chris Nelson recently addressed the 3rd Philippine Summit of the News Media at Holiday Inn Mimosa at the Clark Economic Zone in Pampanga. Attended by stalwarts of the print and broadcast media as well as executives from the advertising industry, Nelson sought the media’s help in supporting the campaign against smuggling of goods into the country which is hurting legitimate businesses here. He also called on Congress to pass proposed amendments to the Tariff and Customs Code or the so-called anti-smuggling bill to stop the proliferation of contraband and counterfeit products in the domestic market which results in billions of pesos in revenue losses for the government.

Batangas City, ligtas
sa landslide--CDMCC chief
Fund Raising para sa mga
biktima ng sakuna, isasagawa
By Letty Chua
BATANGAS CITY--Mapalad ang lungsod ng Batangas dahil ayon sa pag-aaral na isinasagawa ng mga geologists ng University of the Philippines ay hindi ito kasama sa landslide prone areas. Ito ang inireport ni Mila Española, Executive Action Officer ng City Disaster Management Coordinating Council o CDMCC sa idinaos na pagpupulong ng naturang konseho noong Peb. 21 sa LRDC Training Room dito. Tinalakay sa nasabing pulong kung papaano makakatulong ang CDMCC sa mga naapektuhan ng mudslide sa St. Bernard, Southern Leyte. Sinabi ni City Administrator Phillip Baroja na nais ni Mayor Eddie B. Dimacuha na makapagsagawa ng fund raising ang lungsod para sa mga biktima nito sa paraang magaan at kusang loob na pagbibigay. Inirekomenda ni Española na maaaring magdonate ng recyclables na kanilang ipagbibili upang maipadala ang pera sa Southern Leyte sa lalong madaling panahon. Aniya, ang mga recyclables tulad ng bote, papel at dyaryo ay maaaring dalhin sa City Social Welfare and Development Office na posibleng maging sentro ng fund raising campaign. Bukod sa recyclables, kung maaari ay cash na lamang ang donasyon dahil mas madali itong ipadala kaysa mga kagamitan. Hinikayat naman ni Baroja na ipaalam na sa pamunuan ng mga kompanya ang proyektong ito. Aniya, may pormal na sulat na ipadadala ang punong lungsod tungkol sa bagay na ito. Umaapela si Mayor Dimacuha sa lahat na maging bahagi ng kampanyang ito upang matulungan ang mga biktima ng trahedya sa Southern Leyte. Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga hepe ng departamento ng pamahalaang lungsod, kinatawan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Red Cross, Department of Education, Philippine Ports Authority, Keilco Ilijan Power Plant, JG Summit Petrochemical Corporation, MERALCO, Batangas City Water District at iba pang telecommunication companies.
Public orientation and awareness Kinakailangang magsagawa ng public orientation at awareness campaign ang mga industrial establishments sa lungsod na ito hinggil sa kung anong mga kemikal ang nakaimbak sa kanilang mga planta, paano maiiwasan ang chemical hazards at kung paano magreresponde ang mga tao sa panahon ng emergency. Ito ang isa tinalakay sa pulong ng City Disaster Coordinating Council na binubuo ng mga kinatawan ng mga government agencies at private sektor. Ang mga chemical hazards ang isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ngayon ng naturang konseho dahilan sa mga nakatayong oil refinery, power plant, petrochemical plant at iba pang industriya sa lungsod. Isa sa mga naging suhestiyon sa ginanap na pulong ay ang paglalagay ng mga signages sa paligid ng mga industrial establishments para sa kaligtasan ng mga tao. Kinakailangan ding lagyan ng mga placards at ID numbers ang mga tankers na nagbibiyahe dito upang malaman kung anong mga kemikal ang dala ng mga ito. Iminungkahi pa na magkaroon ng isang ordinansa kung saan ipinag-uutos ang paglalagay ng mga placards sa mga tankers. Ipinabatid ng kinatawan ng JG Summit na si Jojo Veloso na sil ay nagsasagawa ng orientation at mga safety drills sa mga taga-Brgy. Simlong. Sinabi naman ng kinatawan ng KEPCO na si Oliver Gonzales na kasalukuyang bumubuo sila ng barangay response teams sa pakikipagtulungan ng National Red Cross. Ayon naman kay Councilor Julian Villena, hindi dapat payagang pumarada ang mga tankers sa tabi ng kalsada at iba pang delikadong lugar dahilan sa panganib na maaring idulot ng mga ito.
Ordinansa sa pagkuha ng permit sa pagbibiyahe ng flammable gas, rerebisahin Samantala, napagkasunduan na rerebisahin ng Sangguniang Panglunsod ang ordinansa na naipasa noong taon 1973 kaugnay ng pagbibiyahe ng flammable gas sa kalunsuran. Ayon sa ulat ni FO1 Noel Guerrero, kinatawan ni Fire Chief Von Nicasio, magsasagawa sila ng aprehensyon ng mga trak na walang kaukulang permit sa kanilang opisina. Aniya, ang Bureau of Fire Department at Batangas City Police Station ay magsasanib ng puersa upang mamonitor sa lansangan ang lumalabag sa ordinansang ito na nakapaloob din sa Fire Code. Sinusugan naman nina Konsehal Ric Ambida at Julian Villena ang gawaing ito dahil ito anila ay maaaring magdulot ng sakuna sa buhay ng tao at ari-arian. Ayon kay Villena, hindi dapat nakikita na nakaparada ang mga ito sa mga lugar na malapit sa bahayan at eskwelahan. Ito dapat ay deretso sa kanilang patutunguhan at may mga label ang mga ito. Sinabi naman kay Ambida ay pag-aaralan nila ang ordinansa upang ito ay maamyendahan kung kinakailangan para sa mas ibayong pagpapatupad nito. (May dagdag na ulat mula kay Angela J. Banuelos)
Puganteng magdalo, arestado sa Batangas
Lyka Manalo

Camp Pantaleon Garcia, Batangas City--Isang puganteng miyembro ng Magdalo group ang naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Batangas PNP, Philippine Army at Philippine Air Force (PAF) sa isang checkpoint matapos ang ilang minutong habulan mula sa tinutuluyan nitong safehouse sa Brgy. San Felipe, Padre Garcia, Batangas kamakailan. Sakay ng isang Mitsubishi Adventure, si 1Lt. Laurence San Juan ay naaresto bandang 5:45 ng umaga kasama si Atty. Jose Christoper Belmonte na siyang nagmamaneho ng sasakyan at isang sibilyan na nakilalang si Albert Guyal na taga Puerto Prinsesa City, Palawan. Si San Juan ay dating miyembro ng Philippine Army at miyembro ng Magdalo group na nagsagawa ng Oakwood Mutiny sa Makati ilang taon na ang nakalilipas. Ayon kay Batangas Provincial Director Senior Supt. Francisco Don Montenegro, bandang 5:00 ng umaga nang salakayin ng mga otoridad ang isang bahay na pag-aari ng isang Tino Matala sa Brgy. Bukal sa naturang bayan at doon na nagkaroon ng habulan. Nabatid na ang naturang bahay ay isa sa mga safehouse ng Magdalo kung saan ay nakuha dito ang isang bandila ng grupo, mga bala ng cal.7.62 at cal.45 at mga subersibong dokumento ng New People’s Army (NPA). Nakuha rin dito ang isang Isuzu Highlander na kulay asul (RDF-308). Dahil dito, sinabi ni PNP Chief Arturo Lomibao na nakikipagugnayan umano ang Magdalo sa CPP-NPA at nabatid pa bago ang pagsalakay ay katatapos lamang umanong magkaroon ng pag-uusap sa pagitan ni San Juan at ilang kasapi ng NPA. Sinabi naman Gen. Pedro Cabuay ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na posible ngang may kaugnayan sa mga rebeldeng NPA ang grupo dahil kasama sa naaresto si Atty. Belmonte na umano’y kasama rin nina Nilo dela Cruz at Arturo Tavara noong 1997 sa isang lugar sa Bulacan na kapwa opisyal ng CPA-NPA. Kasalukuyan pang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad sa ilang kasamahan ng mga nadakip na lulan ng dalawang Toyota Revo. Bandang 11:30 nang isakay ng military helicopter si San Juan patungo sa kampong bago iturnover sa Fort Bonifacio sa Taguig City. Sina Atty. Belmonte at Guyal ay pansamanatalng nakalaya makaraang makapagpiyansa.
Symposium tungkol kay San Jose, gaganapin
Nilda Rosal Adorable
Ang Josephite-Macellian Movement – Philippines ay magdaraos ng National Symposium on St. Joseph sa Marso 3-4 sa Shrine of St. Joseph sa San Jose, Batangas at sa CAP Building, Lipa City. Dadalo sa gaganaping aktibidad ang mga delegado mula sa Arsidiyosesis ng Lipa at mga bayan sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas na ang patron ay si Poon San Jose, gayundin ang mga Cooperators of St. Joseph, mga principal at teachers ng Oblates Schools sa Vicariate IV at Biñan, Laguna. Sa Marso 3 ay magkakaroon ng exhibit tungkol sa Patrong San Jose na mapapanood sa St. Joseph Gallery sa San Jose. Inimbitahang speaker sa symposium sina Rev. Fr. Broderick Pabillo, Bishop Luis Antonio Tagle, Oscar Orbos, Archbishop Angel Lagdameo at Fr. Jerry Orbos, SVD. Magbibigay naman ng kani-kanilang testimonya at karansan ukol sa pagde-debosyon kay Poon San Jose sina Fr. Benny de Guzman, SJ., at Matt Ranillo III. Master of Ceremonies sa dalawang araw na symposium si Bernard Cañaberal, National Director of Family Crusade. Inaanyayahan din ang mga kagawad ng media sa dala-wang araw na aktibidad na ito.

Batangas City, bumandera
sa competitiveness ranking ng AIM
Marie V. Lualhati
BATANGAS CITY--Nag number one ang Batangas City sa dalawa sa pitong kategorya sa Philippine Cities Competitiveness Ranking Project 2005. Ito ay isinagawa ng Asian Institute of Management o AIM Policy Center. Mataas na puntos ang nakuha ng Batangas City sa linkages and accessibility at responsiveness of local government to business needs na dalawa sa pitong drivers o factors na naging basehan sa pagpili ng mga Competitive Cities sa bansa. Ayon kay Mayor Eduardo B. Dimacuha, nakatulong ng malaki rito ang katahimikan at kaayusan ng lungsod at maging ang mabuting pagtanggap sa bisita ng mga Batangueño. Isa ang Batangas City sa top 5 performing cities sa bansa ayon sa nasabing competitiveness ranking. Sa mahigit 100 syudad sa Pilipinas, tanging ang Batangas City at San Fernando City ang napili sa buong Luzon. Noong nakaraang linggo iginawad ang tropeyo sa lungsod at iprinesenta ito ni City Administrator Phillip Baroja sa mga empleyado. Ayon kay Dimacuha, malaki ang maitutulong ng nasabing award sa patuloy na pagpasok ng mga investors at pag-unlad ng Lungsod ng Batangas.
Ika-175 taong pagkakatatag
ng Ibaan, pinaghahandaan na
Peter de Torres
IBAAN, BATANGAS--Puspusang pinaghahandaan ng mga opisyal ng pamahalaang bayan sa tulong ng mga barangay at iba’t-ibang sektor kasama na ang mga pribadong grupo rito ang pagdiriwang ng ika-175 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayang ito. Unang kinaugnay nina Mayor Artemio “Boy” Chua at Municipal Administrator Atty. Francisco Guerra ang sektor pang-edukasyon, mga barangay officials at business sector upang kuhanin ang kanilang mga suhestiyon at pakikipagtulungan sa paghahanda kasama na ang pagsuporta sa mga isasagawang fund raising projects. Ayon kina Mayor Chua at Atty. Guerra, upang lalong mapatingkad ang pagdiriwang ay magkakaroon sila sa Marso 4 ng launching ceremony sa pamamagitan ng motorcade bilang hudyat ng pagsisimula ng selebrasyon. Dalawang paghahanda ang isasagawa nila: ang isa ay para sa pistang bayan sa Disyembre 30 at ang pinakatampok na pagdiriwang ng Foundation Day sa Pebrero 11, 2007. Parehong malayo pa pero ayon kay Mayor Chua, kilakailangan ang mas maagap na paghahanda para mapasaya pareho ang selebrasyon. At dhil kulang pa ang pondo ay magsasagawa sila ng solicitation gayundin ng Search for Mutya ng Bayan. Kakaugnayin pa rin nila ang mga Ibaenyos na nasa iba’t ibang larangan ng hanapbuhay sa ibang lugar gayundin ang mga nasasa ibayong dagat para sa isang masiglang pagsasama-sama. Bago pumasko ay maglalagay na sila ng exhibits sa Recto gym upang maitampok naman ang mga katutubong produkto o ani pati na ang pinakauna o latest sa display.
Isang libong bata, pinasaya sa Lipa
Magie B. Aguila
LIPA CITY--Maaga pa lamang ay buong giliw nang nagsira-ting ang mga bata upang makibahagi sa SANLIBONG BATA…SANLIBONG BAYAN SAYANG programa ni Bokal Wheng Sombrano Africa at Konsehal Eric Africa. Ito ay bilang ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Patrong San Sebastian sa Lungsod ng Lipa at buong pusong sinuportahan ni Mayor Vilma Santos-Recto. Sa proyektong ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga bata na makisalimuha at makipaglaro sa kanilang mga kapwa bata at ikinikintal ang kanilang pangunahing karapatan. Higit na naging matagumpay ang programa ng sama-samang sumasayaw ang mga higanteng characters ng Jollibee, McDonald’s Friends, Yakult at Lactobacilli. Bukod pa dito ay iba’t-ibang mga freebies galing sa Nestle. Milkjoy, Blue Skies, Monde Nissin, Silver Swan, Nestea, Goldilocks popcorn, Sampaguita Mart. Sa tulong ng Fiesta Committee Chairman na si Johnny Kaw, maraming regalo at papremyo ang iniuwi ng mga bata gaya ng coloring books, magic slates, giants pencils, coloring pens, stickers, burger, biscuits, juice drinks, at iba pa. Kasiya-siyang makita ang mga nanay at tatay na dumalo rin sa naturang araw upang panoorin ang kani-kanilang mga anak at makasali rin sa ilang laro. Laking tulong ang ibinigay ng mga day care workers sa pagbabantay at paggabay sa mga bata. Ang pitong taong proyektong ito nina Kon. Eric at Bokal Wheng ay ilan lamang sa mga programang naglalayong maghatid kamalayan sa karapatan ng mga bata. Samantala, naging matagumpay ang itinanghal na paboxing sa plaza ni Kon. Eric Africa, sa tulong ni Jojo Mosca, DepEd teachers at ng PACD sa pangunguna ni Dr. Moog. Sinaksihan ng mga kalalakihan mula sa iba’t-ibang bayan ng tagisan sa lakas ng kamao at bilis ng pag-iisip at kilos ng mga magkakatunggali. Pangunahin sa layunin ng programang ito ang maisulong ang sports development program ni Mayor Vi gayundin ay makapagtaguyod ng pambatong boksingero Lipeño. Ang nasabing programa ni Kon. Africa ay ilan lamang sa programang hatid niya para sa mga kabataan. Sa kasalukuyan, pinagpapatuloy pa rin ang pagkakaloob ng scholarship program para sa mga nasa ika-huling taon ng pag-aaral sa sekundarya.
Miyembro ng Philhealth, 54 milyon na
Fely G. Mayuga
May 3,000 hospital, clinics at iba pang health care provider ang accredited na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kasalukuyan kung saan may 54 milyong kasapi sa buong kapuluan ang nakikinabang sa programang pangkalusugan ng nasabing ahensya. Ito ang napag-alaman kay Lorna O. Fajardo, officer-in-charge ng PhilHealth sa ulat na inilahad kay Health Secretary at PhilHealth chairman Francisco T. Duque III. Ayon kay Fajardo may 20-milyon na mga miyembro ng PhilHealth ang kabilang sa poor sector at mahigit 600,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kasalukuyan na ding benepisyaryo ng PhilHealth. Sa 3,000 health providers na accredited ng PhilHealth, 1,564 mga hospitals, kasama na dito ang malalaki at modernong mga hospitals sa buong kapuluan. Sinabi pa ni Fajardo na may 882 rural health units sa iba’t-ibang parte ng bansa na accredited ng PhilHealth ang nagsasagawa ng screnning ng cervical canser, digital rectal exam, counseling for lifestyle modification, complete blood count, urinalysis, fecalysis, sputum mocroscophy at iba pang medical services sa mga PhilHealth members. May 98 maternity services gaya ng normal spontaneous delivery package at iba pang maternity related benefits.
Nasugbu officials, di pabor
sa ilang kahilingan ng Jollibee
Paghingi ng pampadulas, mariing itinanggi
Sonny Cabral
NASUGBU, BATANGAS--Hindi sang-ayon ang kabuuan ng Sangguniang Bayan ng Nasugbu pangunguna ni Vice Mayor Apolo Villafania sa mga kahilingang nais maipagkaloob ng pamahalaang bayan sa Jollibee Foods Corporation na nakasaad sa isang liham na ipinaabot ni Maribelle D. Cruz, Network Development Manager ng nasabing higanteng food chain, kay Mayor Antonio Barcelon at may petsang April 6, 2005. Mababatid na isang taon na ang nakaraan nang maging “talk of the town” ang pagpasok ng Jollibee rito kung saan halos magkagulo ang mahigit 1,000 kabataang nais mag-apply ng trabaho dito. Subalit, nausyami ang pangarap na ito nang biglang tumahimik ang isyu at umugong ang balitang humihingi di-umano ang mga kagawad ng SB ng P1 milyon bawat isa, P2 milyon para kay Villafania at P4 milyon naman para sa mayor na mahigpit na itinanggi ng mga nasabing opisyales. Galit ang mga konsehales at ang bise sa mga akusasyong ito at ipinakita sa nila The Southern Tagalog HERALD Batangas ang liham ni Cruz kay Mayor Barcelon na nagsasaad ng sumusunod: “We are pleased to inform you that Jollibee Foods Corporation is now seriously considering to invest and build a Jollibee store in Nasugbu located along J.P. Laurel St. , Nasugbu. We are currently finalizing the terms in our Contract of Lease. “To help us realize this business plan. We are formalizing our request to the Municipal Government of Nasugbu to grant Jollibee special tax incentives to aid our investment. Among the highlights of this request are as follows: “At least ten (10) years tax exemption on: 1. Initial capitalization on Year 1 2. Business tax on revenue and/or gross sales for succeeding Years 2 to 10 3. Regulatory taxes (Fire, medical etc.) 4. Real estates tax on building shell, improvement and equipment with the store premises. “We are however prepared to remit and pay the necessary fees covering the following: 1. Business permit 2. Mayor’s permit 3. Building construction application” Ayon pa rin sa mga konsehal, hindi makatwiran ang mga kahilingan ito ng Jollibee at hindi katanggap-tanggap sa kanila dahil magiging “precedent” di-umano ito sa mga iba pang negosyong papasok sa bayang ito at lalong walang katotohanan na sila ay humihingi ng anumang bagay sa nasasabing korporasyon. Ayaw din nila na maging mukhang pulubi ang mga taga-Nasugbu na parang nagmamakaawa para lang pumasok dito ang negosyo at kahit magpalugi tayo at kumita sila ng malaki. Sa isang liham ni Mayor Barcelon sa SB, hiniling nito sa isama sa agenda nito (SB) ang kahilingan ng Jollibee para sa tax incentives at partikular na bigyan ng tax exemption ang Jollibee sa local taxes sa unang taon at 50% para sa susunod na 2 taon maliban sa real property tax. Sa panayam ng The Southern Tagalog HERALD Batangas kay Mayor Barcelon, sinabi nito na tanging local taxes lamang ang pwedeng ipagkaloob ng bayang Nasugbu sa Jollibee at ang dahilan ng pagkaantala ng pagtatayo nito ay hindi sa anupaman kundi sa naging problema nila sa lease contract ng lupang kanilang ookupahin na sa ngayon ay naayos na. Gayundin aniya ang sa problema sa DENR kaugnay ng mga puno ng akasya na puputulin na sinasabi ng maraming Nasugbueños ay mahigit ng limang dekada ang edad subalit sa tingin ng iba ay mga sampung taon pa lamang.
PHO, kukuha ng mga contractual employee
Peter de Torres
BATANGAS CAPITOL--Magha-hire ang Provincial Health Office ng mga contractual employees upang ganap na mapaglingkuran ang taumbayan sa mga serbisyong pangkalusugan. Ayon kay Dr. Isagani Bolompo, sakaling mag-operate nang lahat ang CT scan equipment at hemodialysis machine ay kukuha sila ng radiologist at neprologist sa approval na rin ng gobernador. Gayundin ay kukuha rin sila ng opthalmologist sakaling mag-operate na ulit ang mobile clinic. Ang hinihintay na lamang aniya ay ang delivery ng ultasound equipment. Ang naturang mga kukuhaning empleyado ay pawang on contract basis. Samantala, mula sa P235 milyong badyet sa kanilang tanggapan, inaasahan ni Dr. Bolompo na mapapaunlad lalo ang serbisyo sa pamamagitan ng pagkuha ng mga medical equipment at medical supplies. Gayundin, mula sa aproprasyon para sa repair ay ipapaayos nila ang mga silid-gamutan sa 11 districts hospitals upang mabiyayaan at mapaglingkuran ang dumaraming pasyente sa buong lalawigan. Mahigpit na itinagubilin ni Dr. Bolompo sa mga tauhan ng mga pagamutan maging ng mga rural health units ang pagpapanatili ng kalinisan gayundin ng maayos na pagtupad ng mga tungkulin at responsibildad sa taumbayan ayon sa adhikain at bisyon ng Accelerated Community Service.
Sahod ng 700 empleyado
ng Tanauan City Hall, nakabinbin
Lyka Manalo

TANAUAN CITY—Hindi pa rin nakakatanggap ng sweldo ang may 700 empleyado ng Tanauan City government dahil nananatili pang naka-freeze ang bank account nito sa Land Bank of the Philippines. Ayon sa ilang empleyado na nakausap ng The Southern Tagalog Herald Batangas, simula Enero nitong taon hindi pa umano nakaka-sweldo ang mga casual employees samantalang ang mga regular employees ay hindi pa nakukuha ang kanilang sweldo nitong a-kinse ng Pebrero. Sinabi ni Mayor Alfredo Corona na naiintindihan naman ng mga empleyado ang sitwasyon at maging ang simbahan ay sumusporta sa kanilang kampo. Hindi pa rin kinikilala ni Corona ang desisyon ng Comelec 2nd Divison na pumapabor sa nagprotestang si Sonia Torres Aquino na siyang panalo noong nakaraang eleksiyon at wala umano itong balak na umalis sa kanyang opisina. “Twelve days na ako dito at hindi ko balak na umalis habang naghihintay kami ng desisyon mula sa Supreme Court para sa temporay restraining order,” aniya. Matatandang noong Peb. 9 ay ibinaba ng Comelec ang writ of execution pabor kay Aquino subalit nagbarikada ang mga supporters ni Corona sa city hall. Kahapon ay muling nagasagawa ng rally ang mga supporters ni Corona kung saan ay nasa 300 katao ang lumahok at umikot simula sa may Mabini Avenue patungo ng city hall na naninindigang si Corona pa rin ang kanilang alkalde. “Hindi ko sila pinilit, kusa nilang kagustuhan ang para malaman ng mga taga-Tanauan ang nangyayari dito. Sa katunayan, 36 out of 48 barangays nakasuporta sa akin,” pahayag ni Corona. Samantala, nanatili pa rin si Aquino sa lumang munisipyo na pansamantala niyang inilagak upang doon mag-opisina habang hinihintay ang pagbaba ni Corona sa city hall.
Beach resort owners sa Lemery
nagtatag ng asosasyon
Peter de Torres

LEMERY, BATANGAS--Itinatag sa bayang ito ang samahan ng mga beach resorts owners sa layuning lalong mapaunlad ang negosyo ng turismo partikular sa Brgy. Nonong Casto. Ito ang iniulat ni Kabaitan B. Dinglasan, hepe ng Provincial Tourism Office, sa isinagawang induction ceremony ng mga nahalal na opisyal ng Nonong Casto Beach Resorts Owners Association, Inc. kamakailan. Ang Lemery ay kilala sa ma-raming beach resort na palaging dinarayo di lamang ng mga iskur-syunista kundi maging ng mga lokal at dayuhang turista. Dahilan dito, nagkakaisa ang mahigit sa 20 beach resort owners na isulong ang turismo sa pama-magitan ng maayos na pag-istima ng mga bisita gayon din ang gawing maganda lahat ang beach resort tungo sa pagiging isang tourist destination ng Lemery. Ang mga opisyal ng Nonong Casto Beach Resorts Owners Association ay sina: Letty Solis ng Leonor Beach Resort, president; Randolf Panganiban ng ABAKSA Beach Resort, vice president; Veronica Reyes Castro ng Reyes Beach Resort, secretay; at Gracia Buño ng Villa Gracia, auditor. Sa kanilang panunumpa sa tungkulin ay hinikayat ni Solis ang lahat na magtulungan para lalo pang dayuhin ang mga beach resort dito. Pangarap ni Mayor Raul Bendaña na maipagkaloob ang todo-todong serbisyo para sa promosyon ng turismo di lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa at makilala sa mundo ang mga beach resort ng bayang ito. Nangako rin ng pakikiisa sa naturang bisyon ang Punzalan Beach, Punzalan I, Punzalan IV, A. Santos Beach, La Familia Beach, Heart of the Ocean, Villa Lorenza, La Serena Beach gayon din ang mga may-ari ng Goodluck Beach Resort, Eurasian Beach, Rosman Beach, Rico Beach, Villa Ma. Luisa, Rosas Beach, Ocean Park at Villa Flor Beach Resort. Ayon pa kay Dinglasan, may ganito ring mga kahalintulad na samahan sa Lobo at Mabini at mga nakatalagang municipal tourism officers dito ang dapat makaugnayan para sa detalye.
Saturation drive, isinasagawa ng Batangas City BFP
Peter de Torres

BATANGAS CITY--Puspusang nagsasawa ng masusing inspeksyon sa lahat ng business establishment ang Batangas City Fire Station sa pangunguna ni Insp. Ferdinand Von Nicasio. Layunin nito na masiguro ang pagsunod ng mga may-ari sa fire safety na itinadhana sa fire safety code ng bansa. Ayon kay Nicasio, hindi lamang ipatupad ang requirements kaugnay ng issuance ng business permit kundi ang mahalaga ay maiwasan ang pagkakaroon ng sunog sa lungsod. Nag-i-schedule sila ng pagsuyod sa bawat kalye sa sentro ng komersiyo sa kalunsuran upang isa-isang mainspeksyon ang bawat establisimento rito. Samantala, nalaman kay Nicasio na posibleng magsimula na sa linggong ito ang dalawang pagsasanay na isinusulong ng Panlalawigang Sangay ng Pamatay Sunog sa pakikipagtulungan ng panlunsod na tanggapan. Ayon sa Proposed Training Program ni Provincial Fire Marshall Marchell Pangilinan, bawat Biyernes ay maghapong isasagawa ang training para sa Provincial Fire Inspection team sa umaga at sa hapon naman ay para sa lahat ng fire safety inspectors sa buong lalawigan. Ang training ay isasagawa sa Batangas City Fire Station at ang magiging training director dito ay si Nicasio sa loob ng apat hanggang walong linggo.
23 kalsada ng nautical highway, kumpleto
Fely Mayuga
Iniulat ng Department of Public Works ang Highways (DPWH) ang implementasyon ng 23 major roads project bilang suporta sa programang Strong Republic Nautical Highway ng Pangulong Arroyo. Ang proyekto ay nag-connect sa 3 main islands sa bansa sa pamamagitan ng Roll-On-Roll Off (RoRo) System. Base sa 2005 DPWH accomplishments reports, 7 kalsada ang naisaayos sa Western Nautical Highway, 12 sa Central Highway at 4 sa Western Nautical Highway. Upang matiyak ang mabilis na pagsasaayos at pagsasagawa ng mga proyektong nakapaloob sa nasabing programa ay inatasan ng DPWH Sec. Hermogenes Ebdane Jr. ang mga regional at project director na tutukan at i-monitor ang implementasyon ng nabanggit na proyekto. Sa proyektong Nautical Highway ng Pangulo na sinimulan noong 2003 ay hindi lamang makakatipid sa pamasahe manapa’y mabibigyan ng malaking pagkakataon na maiangat ang industriya ng turismo sa bansa at gayundin ang mabilis na pagluluwas ng mga kalakal at serbisyo mula Luzon, Visayas at Mindanao at vice versa.
Usapin sa pagtatayo ng national
high school sa Nasugbu, umiinit
Sonny Cabral
NASUGBU, BATANGAS--Kinailangan ni Vice Mayor Apol Villafania ang dalawang recess para mapahupa ang mainit na debate na umabot sa humigit kumulang sa isang oras sa pagitan nina last termer at 1st Councilour Dennis Apacible at 2nd termer Juner Villarin kaugnay ng opinatatayong national high school sa Roxaco Subd., Bgy. Pantalan sa bayang ito noong Miyerkules, Peb. 22. Ayon kay Apacible, ang nasabing proyekto ay ginagawa na ng mahigit ilang buwan ngunit magpasa-hanggang ngayon ay wala pa umanong kahit anumang papeles na ipinakikita at isinumuite sa Sangguniang Bayan. Nagbabala siya na kung hindi maipagkaloob ito sa nasabing panahon ay maari itong ipatigil kahit na ito ay isang government project na siya naming mahigpit na tinutulan ni Villarin. Nauna rito, mahigpit na tinutulan ng homeowners association ng ROXACO ang nasabing proyekto dahil ito raw ay magpapagulo sa katahimikan ng kanilang lugar at ang nasabing isyu ay siya pang naging dahilan ng pagpapalit ng pangulo ng samahan ng 3 beses. Ang ipinagtataka umano ni Apacible ay kung bakit itinayo ang nasabing proyekto ng hindi man lamang ipinabatid sa SB at ni wala man lamang umanong kahit isang papel ng Deed of Donation o anupamang papeles. Ayon naman kay Mr. David na principal ng Nasugbu National High School at pangunahing proponent ng nasabing proyekto, hindi na kailangan ang building permit sa pagpapatayo nito. Subalit sa panayam ng The Southern Tagalog Herald Batangas kay dating konsehal Almond Lim na residente ng nasabing lugar at katabi ng paaralan, kailangang meron building permit ang nasabing proyekto at hindi na kailangang magbayad pa ng permit. “Hindi ako kontra sa proyekto ng pagtatayo ng eskwelahan. Kontra ako sa maling proseso ng proyekto at hindi man lamang nagkaroon ng konsultasyon sa mga tao dito sa subdivision,” aniya. Sa mungkahi ni Apacible na ipatigil ang proyekto hanggang hindi nakukumpleto ang mga papeles na pinangalawahan ni Kon. Louie Barcelon, tinutulan ni Villarin ang mosyong 2 linggo at sa halip diumano ay gawing isang buwan upang magkaroon ng kaunting kaluwagan ang mga ahensiyang sangkot dito. Sinuportahan naman ito ni Kon. Jimmy Bautista na dating pangulo ng homeowners association at dating chairman ng Committee on Housing ng SB. Ayon pa kay Apacible, ilegal diumano ang nasabing proyekto dahil ito ay dapat itinayo sa Bgy. Wawa at hindi sa Bgy. Pantalan na siyang nakasasakop sa Roxaco Subdivision. Sa baliktaktakan na umabot ng mahigit sa isang oras ay muntik ng magkaroon ng division of the house ang SB at sa huling recess ay pinulong ni Villafania ang nasabing mga konsehal sa kanyang opisina na umabot sa halos ay 25 minuto. Matapos ang recess, pu-mayag si Apacible na bagu-hin ang kanyang mosyon at pumayag na isang buwan palugit at kung hindi maiisu-mite sa SB ang mga papeles sa loob ng nasabing panahon ay ipatitigil ito na pinangala-wahan naman ni Villarin. Nauna rito ay nag-privilege speech si Apacible kung saan tinalakay nito ang aniya’y walang taros na pagsalanta sa likas na yaman sa Nasugbu at ang walang patumanggang pag-uuling at pagkakaingin. Hiningi rin niya sa pulisya kung merong rekord ng panghuhuling ginawa ang mga ito kaugnay ng pagluluwas ng uling sa labas ng Nasugbu na ayon sa impormante ng TSTH Batangas ay hinahawakan umano ng isang mataas na opisyal ng bayan.
Pagtutulungan ng Pilipinas at Japan,
naging katuparan sa Padre Garcia
Ruel B. Santos

Bilang tanda ng pagtutulungan ng mga bansang Pilipinas at Japan ay opisyal na binuksan ang isang brass marker sa multi-purpose gym ng Padre Garcia. Dito ay nakasulat ang pasasalamat ng pamahalaan ng Pilipinas sa bigay na tulong pangkaunlaran ng Japan sa Padre Garcia Integrated Agra-rian Reform Community na binubuo ng mga barangay ng Cawongan, Quilo-Quilo South, Payapa at Quilo-Quilo North. Sa ginanap na ARISP II Project Turn-Over na nasaksihan ng The Southern Tagalog Herald Batangas, sinabi ni Mayor Prudencio Gutierez na hindi nagkamali ang Japan Bank for International Cooperation ng paglalagakan ng mga proyektong pang-agrikultura sapagkat likas sa magsasakang Garciano ang pagiging masinop at masipag. Aniya, ibayong pag-angat ng kabuhayan ang ibubunga ng mga magsasakang benepisyaryo ng proyekto. Pinasalamatan din niya ang DAR bilag pangunahing ahensya na nagpapatupad ng proyekto, ang DPWH para sa mga farm to market road ng Quilo-Quilo South at Cawongan, ang NIA para sa patubig ng bayan at lokal na pamahalaan para sa Rural Water System ng Payapa gayundin ang pasasalamat kay Cong. Oscar Gozos at Gob. Arman Sanchez para sa iba pang proyektong nakamtan ng kanyang bayan. Dumalo rin sa naturang programa sina DPWH Asst. Director Estrella, Board Members Marc Leviste at Rowena Sembrano Africa, Batangas PARO II Cynthia Lapid at iba pang kawani at opisyal ng mga ahensya ng gobyerno.
Para sa Rural Water System
Pamamahala sa proyektong patubig,
ipinagkaloob ng DAR sa Agoncillo
Ruel B. Santos
AGONCILLO, BATANGAS--“Bagama’t ito’y bagong proyekto ng Agrarian Reform Community sa Bilibinwang ARC ay magkatuwang na isusulong ang tamang pamamahala sa Rural Water Sytem Level II kasama ang local government unit at mga kasapi ng Bilibinwang Multi-Purpose Coopretive upang makatiyak tayo ng tamang plano, sistema, paniningil at maintenance ng proyekto.” Ito ang ipinahayg ni MARO Elvin Mirasol sa The Southern Tagalog Herald Batangas matapos pasimulan ang dalawang araw na seminar sa RWS Management na ginanap sa nasabing barangay. Aniya, buo ang suporta ni Agoncillo Mayor Glorioso Martinez sa RWS at iba pang proyektong ipinagkaloob sa ARC na ito. Katulong ang mga tauhan ng Support Services Division ng DAR Provincial Office at Water District ay naniniwala siyang magtatagumpay at isa sa magsisilbing negosyo at serbisyo ng kooperatiba. Ayon naman kay CARPO Merle Manalo, ang mga module na ginagamit dito ay siya ring gagamitin sa RWS ng Payapa Padre Garcia at San Isidro Rosario. Inaasahang magdaragdag ng kaalaman at wastong pamamahala ng proyekto ang mga magsasaka at kasapi ng samahang dadalo sa naturang pagsasanay. Ibinalita rin niya ang nakatakdang assessment ng 10 President Diosdado Macapagal Agrarian Scholar ng Batangas upang mabatid nila ang kanilang katayuan sa paaralan gayundin ang iba pang pangangailangan.
Pagsasagawa ng seminar para sa mga fish
cage operators ng Taal Lake, ikinakasa na
Peter de Torres
PROVINCIAL CAPITOL--Kumilos na ang tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor kaugnay ng kahilingan ng mga miyembro ng Sangguning Panlalawigan na magsagawa ng seminar para sa mga fish cage operators sa lawa ng Taal. Ayon kina Provincial Agriculturist Virgilio Mercado at Fishery Division chief Maria Magdalena Gorospe, naghihintay sila ng direktang pakiipag-ugna-yan ng Provincial Government-Environmental and Natural Resources para sa paghahanda ng programa at funding. Ayon kay Gorospe, nakipag-ugnay na sila sa apat na municipal agricultural officer para sa venue ng seminar para sa mga bayan ng Talisay, Laurel, Agoncillo at San Nicolas. Naipaabot na umano rin nila ng personal kay Director Rosa Macas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ukol sa pagsasagawa ng seminar at sa imbitasyong sila ang maging pangunahing tagapagsalita sa okasyon. Ang tanging hinihintay na lamang ay ang endorsement ni Gob. Arman C. Sanchez kung kailan idaraos ang seminar at kung paano pararausin ang dapat na magkakahiwalay na schedules. Hindi aniya kaya na pagsama-samahin ang operators ng apat na bayang nabanggit kung kaya’t dapat ito ay pagbukod-bukudin. Tungkol naman sa seminar, tiniyak ni Mercado na matutuloy ang lahat kahit pa ito ay hindi pangunahan ng PG-ENRO. Ang mahalaga aniya ay ang kapakanan ng mga umaasa sa Lawa ng Taal at ang pagtutulong-tulong na pangangalaga dito. May balita rin siyang makikipagtulungan din dito ang Provincial Health Office sa pangunguna ni Dr. Isagani Bolompo. Magugunita na isang kapasyahang-kahilingan ang pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Bokal Serging Atienza at pagsuporta ni Bokal Celio Hernandez, chairman at vice-chairman ng committee on agriculture address sa PG-ENRO na magsagawa ng training para sa fish cage operators sa tulong ng Provincial Health officer at Provincial Agriculturist. Partikular na tutumbukin ng training ang ukol sa proper feeding at pag-iwas na mas ma-pollute pa ang lawa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home