Thursday, March 02, 2006

Public Eye



Sonny Cabral
Judgment call not lapse of judgment

Pinuna ng aking mga kababayan ang pagiging tahimik ko sa mga kaganapan nagaganap sa aking bayang mahal lalo’t higit sa pagdami ng krimen may kaugnayan sa patayan ng minsang ako ay makumbida sa isang pagtitipon nitong nakaraang lingo.
Sa totoo lang ay hindi ako nananahimik. Ang mga bagay na ito ay aking matamang pinag-aaralan at komukonsulta ako sa ating mga pinuno na mas higit na may kaalaman sa mga bagay na dapat gawing sa mga pagkakataong ito. Sa tutoo lang, ako man ay labis na nababahala sa pagdami ng krimeng may kaugnayan sa pagkitil ng buhay ng isang tao.
Para sa inyong kabatiran, habang sinusulat ng inyong lingkod ang kolum na ito ay isa na namang magsasaka ang pinatay sa pamamagitan ng baril sa malapit sa boundary ng Nasugbu at Maragondon nitong ika 15 buwang ito. Mula sa opisyal na tala ng ating kapulisan, simula noong Dec. 1 hanggang Pebrero 6, 17 kaso ng saksakan at pamamaril ang naganap sa bayan kong mahal at 8 dito ay patay at 9 ang hindi nakilalang mga suspek gayundin, 7 rito ang nakilalang mga suspek at pinagharap ng kaukulang demanda at pinaghahanap pa.
Bakit hindi ko ibinalita ang mga pangyayaring ito gayong merong akong tungkuling ibalita ito? "What’s the use of gaining all the wealth on earth but losing your soul in heaven?
Noong nasa Radio Veritas pa tayo ay ginagawa ko itong magbalita ng halos lahat ng kaganapang nagaganap dito sa lalawigan ng Batangas. Subalit, sa aking naging karanasan mula sa ating mga tagapakinig at sa mga liham na ating tinanggap, merong hindi magandang "feedback" ang ating pagbabalita ng patayan at lumalabas na ang kinatatakutan ang ating bayan na isa pa namang "tourist zone". Mismong tiyuhin ko na isang mayor ng isang bayan sa Visayas at pinsang abogado ang pumuna sa aking mga pagbabalita ng mga krimen na hindi makakatulong sa aking bayan.
Sa isang pagpupulong ng ilang opisyales ng bayan at barangay gayundin ng mga concerned citizens ng Nasugbu ay nabuo ang isang consensus na magbuo at magpalakas ng pagkakasama-sama ng mga opisyales at mamamayan upang masiraan ng loob o kung hindi man ay masawata ang kaganapang ito sa ating bayan.
Hindi lamang dito laganap ang walang taros ng pagpatay. Nitong araw ng Valentines Day ay isang mag-irog na sakay ng motorsiklo ang pinagbabaril habang bumabagtas sa mahabang lansangan ng Bagbag, sa Brgy. Prenza, Lian Batangas at ang mga suspek ay 2 lalaking sakay sa isang motorsiklo. Maging sa bayan kanugnog ng Nasugbu ay halos walang humpay ang patayan at ito ay kinabibilangan ng isang sundalo, pulis, barangay officials at marami pang iba.
Ipagpaumanhin ng ating mambabasa kung sa palagay ninyo ay nagkulang ako sa pagbabalita ng mga krimen sa ating bayan subalit ito ay sinadya ko dahil hindi ito makakatulong sa ating kaunlaran. Subalit, ako ay nananawagan sa ating mga pinuno ng bayan na paigtigin natin ang police visibility at i-activate natin at pasiglahin ang mga tanod na siya nating makakatulong sa pagsawata ng mga krimeng ito. Amen.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home