Thursday, March 02, 2006

PIA Info News

Carlo P. Gonzaga

Ang EVAT at ang Pilipinong mamimili

Hindi anti-poor o pabigat sa mga mahihirap na Filipino ang EVAT tulad ng mga sinasabi ng mga kumokontra sa implementasyon nito. May pamamaraan ito na makita ang pangangailangan ng mga mahihirap at hindi kasama o exempted ang mga basic commodities at tinatawag na socially sensitive products.
Ang mga hindi sakop o exempted sa VAT ay: gulay, karne, isda, prutas, itlog, at bigas; renta sa bahay na hindi lalampas sa P10,000 bawat buwan; pagbebenta ng bahay at lupa na hindi lalampas sa P2.5 milyon; serbisyong pang-edukasyon – pampubliko man o pribado; libro, pahayagan at magazine; kita ng isang tao at establisimyento na hindi hihigit sa P1.5 milyon bawat taon na maaaring makasama ang mga sari-sari stores, carinderias, at mga nagtitinda sa bangketa.
Hindi rin ito pabigat sa mahihirap dahil ang serbisyo ng mga doctor sa mga ospital ng gobyerno, gayundin ang serbisyo ng mga abogado mula sa Public Attorney’s Office ay mananatiling libre. Dagdag pa rito, ang mga doctor at abogado sa mga probinsiya na ang kita ay hindi lumalampas sa P1.5 milyong bawat taon ay hindi papatawan ng VAT. Kaya walang dahilan upang magtaas ng singil ang mga doctor at abogado sa mga lalawigan.
Bakit nga ba kailangan pang taasan ang VAT? Kailangan itaas ang VAT ng dalawang por siyento upang mabayaran ang lumalaking utang ng bansa, magamit sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo publiko, at ang pagtataas ng mga karagdagang buwis ay mangangahulugan ng paglakas ng halaga ng piso kontra dolyar. Ito rin ay makakaragdag sa pagpapabuti ng "investor confidence" sa ating bansa.
Ayon kay Pangulong Gloria M. Arroyo, ang EVAT ay isang "positive development" para sa mga mahihirap sa gitna ng mga protesta na ito ay lalo lamang makakadagdag sa kahirapan sa bansa.
Mula sa koleksiyon ng EVAT, ang gobyerno ay magre-release ng pondo na nagkakahalaga ng P500 milyon bawat araw para sa "pump-priming projects" sa susunod na tatlong buwan.
Ayon pa rin sa Pangulo, ang programa na magkakahalaga ng P35 bilyon ay direktang mabibiyayaan ang mga mahihirap. Ang P500 milyon bawat araw ay gagamitin sa pagpapagawang farm-to-market-roads, irrigation system, pambili ng buto at organic fertilizers, pagpapatayo ng mga school buildings, high school voucher programs, community mortgage programs, at airport development. Hindi pa kasama rito ang isang bilyong piso nakalaan para sa housing relocation ng mga illegal settlers.
Ngayong 2006, 20 por siyento sa makokolektang EVAT ay ilalaan sa mga sumusunod: Edukasyon, 6% para sa pagpapatayo ng 521 gusali o 2,000 silid aralan; Kalusugan, 4% para sa health insurance premiums na ipagkakaloob sa 3.1 milyong indigents na walang kakayahang magbayad; Kalikasan, 6% para makapaglaan ng 9,190 ektarya ng kagubatan upang muling matamnan ng mga puno at mapangalagaaan; at Akgrikultura, 4% upang makapagpagawa ng 1,012 kilometrong farm-to-market roads.
Ang paggamit ng EVAT para sa mga proyektong pang-masa ay tataas bawat taon; 30 por siyento ngayong 2006; 35 por siyento sa 2007; 40 por siyento sa 2008; 45 por siyento sa 2009; at 50 por siyento sa 2010.

1 Comments:

At 11:24 PM, Blogger Althea said...

Kahit na ano pa ang sabihin mo, anti poor pa rin ang EVAT kasi gobyerno lang ang makikinabang nito, hindi ang taong bayan! Palibhasa you're working in the government kaya masyado kang sipsip Carlo P. Gonzaga!

-UZMAR

 

Post a Comment

<< Home